Ang Gabi Nuon sa Gunita


Muta sa mata… Muni-muni…

Maraming beses at pagkakataon na naitanong ko na sa aking sarili ang mga bagay at pangyayari na nasasaksihan ko sa aking paligid pagsapit ng dilim. Nagsisimula ang lahat pagsapit ng ala sais ng gabi, takipsilim. Sa pagdating ng oras na ito, maraming nagbabago at naninibago. Panibagong araw ang natapos, panibagong pangyayari ang naitala, panibagong buhay ang parehong nagwakas at nagsimula, panibagong paggawa ang nakumpleto at sisimulan at panibagong anyo ng mga bagay ang makikita at mararanasan. Lahat ng iyon ay sa pagsapit ng gabi…

Muni-muni ulit… Hikab sabay kuyos sa mata… Muta…

Ang daming nangyari sa pagtatapos ng nagdaang araw… Malugod ang lahat, saya sa mga mata’y nakatatak. Munimuni na naman muli? Nawari ko, bakit nung bata ako…

bakit nung bata ako pagpatak ng ala sais ng gabi kailangan nasa bahay na?
bakit nung bata ako kailangan bago pumasok ng bahay dapat nakapaghugas na ng paa sa batalan?
bakit nung bata ako kung hindi TV Patrol, ay PBA ang palabas sa TV?
bakit nung bata ako ang tahimik na sa labas ng bahay pagsapit ng alas otso?
bakit nung bata ako kailangan sabay sabay kami kumakain ng hapunan?
bakit nung bata ako hindi ko kailangan maghugas ng pinggan?
bakit nung bata ako pagkatapos maghapunan nagaaral na kami at gumagawa ng assignment?
bakit nung bata ako hindi pwedeng matulog ng hindi natatapos ang assignment?
bakit nung bata ako ang sarap gumawa ng assignment kapag tinuturuan ako ni nanay?
bakit nung bata ako dapat kami matulog pagsapit ng alas diyes ng gabi?
bakit nung bata ako kailangan namin magrosaryo bago matulog?
bakit nung bata ako hindi na kami pwede manuod ng wrestling o ng tv bago matulog?
bakit nung bata ako hindi ako makatulog ng walang tandayan?
bakit nung bata ako umiinom ako ng gatas bago matulog?
bakit nung bata ako okei lang matulog kahit hindi ako nakapagsipilyo?
bakit nung bata ako naggoodnight ako – goodnight tatay, goodnight nanay, goodnight nene, goodnight chad, goodnight guardian angel, goodnight mama Mary at goodnight Jesus?
bakit nung bata ako ang bilis ko lang makatulog?
bakit nung bata ako malamig kapag gabi?
bakit nung bata ako ang sarap managinip?
bakit nung bata ako okei lang maihi sa higaan?
bakit nung bata ako ang sarap matulog sa gabi?
bakit nung bata ako dapat otso oras o higit pa ang tulog ko?
bakit nung bata ako iba ang panahon pagsapit ng dilim?
bakit nung bata ako tahimik at simple lang lahat pagdating ng gabi?

at higit sa lahat…
bakit nung bata ako, hindi ko naisip na pwede pala ako mgtrabaho ng gabi?

Unat ng malakas… Hikab…

Tama, gabi na naman, oras na ng aking paggawa. Sinisimulan ko na naman ang bagong yugto ng aking buhay. Panahon ng takipsilim sa lahat, bukang liwayway naman sa aki’y nangungusap. Sa mahabahabang panahon iba na rin ang naging pagtingin ko sa pagsapit ng oras na ito. Gabi na, gabi na… Magsisimula na…

Hayyy, muta…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s