Kung Noon ay Ako Ngayon


Naaalala ko pa, ikaw yung girl sa third floor na nakikita ko sa tapat ng classroom namin tuwing 10 am. Iniisip ko nun, ang ganda naman nung babaeng yun… Naaalala ko pa, ikaw yung madalas ko makasabay sa fx pauwi ng bahay galing school… Iniisip ko nun, ang tahimik naman ng babaeng ito, mukhang hindi ako papansinin… Naaalala ko pa, ikaw yung nasa kabilang table sa cafeteria kasama yung mga classmates mo na naghahanda for a report. Iniisip ko nun, mukhang seryoso sa pagaaral ah, matalino pa yata… First year second sem yun noon, bago pa lang tayo sa school parehas… Bago pa lang tayo sa college, bago pa lang sa atin lahat…

Second year na nun makilala kita, ng lubusan… Buti na lang gwapo bestfriend ko, akalain ko ba naman na bestfriend mo rin pala yung nililigawan nya… Hiningi ko number mo, buti na lang binigay mo rin, at landline pa… Naaalala ko pa, sa bawat paguwi ko sa bahay, tumatawag ako kaagad sa’yo. Naaalala ko pa, inaabot tayo ng ilang oras sa kwento ko at sa kwento mo, buti na lang at may telepono… Kasi naman, pag nasa school tayo, hiyang hiya ako sa’yo. Mabuti na yung ngumiti ako sa’yo, yun lang, masaya kasi ako noon, as in masaya ako sa bawat araw na nakikita kita sa school… Dun ko yata unang binigkas at nagkaroon ng kahulugan sa buhay ko ang salitang “ewan”…

New Year’s Eve nun, bumisita pa ako sa inyo… Wow, ang sarap ng biko ng lola mo hah, iniisip ko nun na nauumay na ako sa kinakain ko pero okay lang, kasi ikaw naman yung kakuwentuhan ko e, lalo na sa mga huling minuto ng taon, 2002 yata yun…

Naaalala ko pa, sinabi mo lahat sa akin ang mga nararamdaman mo at ang mga pananaw mo sa buhay pagibig. Masaya ako marinig lahat iyon, sana naman naging makabuluhan yung mga pagaaro ko sa iyo. Ganun lang naman talaga minsan noon, masakit masaktan buhat sa pagmamahal. Sa aking palagay noon, hindi ka sana nasasaktan kung alam lang ng lalaking iyon at kung nakita lang nya ang kahalagahan at kabaitan mo at ang saya na naibibigay mo sa bawat taong nakakausap mo… Hindi ko alam kung ako lang nakapansin sa iyo noon…

 

**************************

 

Mahigit limang taon na ang nakalipas mula noon… Masasabi ko na hindi ka nagbago, maganda ka pa rin tulad ng dati… Mahaba pa rin yung buhok mo na pinapakulayan mo paminsan, maputi ka pa rin, yung mga mata mo, so much expressions, yung mga ngiti mo, hindi pa rin nagbabago sa paningin ko at yung mga pangarap mo na unti unti na rin natutupad. Masaya ako para sa iyo, nagmamahal ka ng lubos, hindi ka rin yata nagbago pagdating sa bagay na yun… at syempre, may nagmamahal din sa iyo ng lubos, ngayon

 

Naaalala ko pa, sinabi ko sa sarili ko minsan nung huli kita makausap, na sana… kung noon ay ako ngayon…